Maputla ang hanging humahagibis sa bawat padausdos ng kurbada. Panakaw na hinahagkan ang humpak na pisngi ng binata. Sa bawat kimi na pagtulak niya sa bintana ng bus, isang hapyaw na buntong hininga ang maririnig sa bawat mintis na paglagapak ng siladura. Araw noon ng Lunes, isang araw matapos ang pagdiriwang ng Linggo ng pagkabuhay ng mga sagrado katoliko sa kanilang lugar. Minsan pa, humayo siya upang pawiin ang pagnanasa ng kanyang puso para sa kanyang mga pangarap na hinabi sa paglipas ng mga dekada. Ngayon ay dalawampung taong gulang na siya. bakas sa kanyang mukha ang bunga ng sampung taong ng pagsasakripisyo sa pagaaral. Bakas ang kakaunting guhit sa kanyang noo na naging tatak ng mga kinimkim na pasakit mula sa mga pagsiphayong naranasan. Matapat siya sa mga pangyayaring iyon. Nakatiim sa kanyang panggunam ang mga leksyong natutunan sa araw araw na pakikibaka sa buhay bagaman hindi nilisan ng gunita ang maantak na kinasapitan sa pamumuhay ng mag isa at sa pag-iwan sa kanya ng tunay na sinisinta.
Impit ang tunog ng paglangitngit ng lumang estribo sa kanyang kinauupuan. nagbibigay ito ng panandaliang pagkainis sa tainga sa tuwing masasapit ang sasakyan sa malubak na daan. Animo'y sinematiko ang pagkakasadya ng tanawin. Akma sa kanyang sandaling pagbabalik tanaw ng mga oras na iyon. Sa isang bayan sa Bulakan siya dinala ng lakbay diwa. Matamang naki-ayon ang kulimlim ng mga ulap na tila ba isang umpok na bumabati sa kanya pabalik sa nakaraan. Nabanaag niya ang isang pamilyar na pangitain, ito ang kalawakang naging saksi noong araw na tumulo ang luha ng langit sa pagpanaw ng kanyang mahal sa buhay anim na taon ng nakakaraan. Doon kung saan una niyang hinagkan ang bigwas ng kapalaran sa kanyang buhay. noon kung kailan una niyang naramdaman ang pait ng kapalarang naghubad sa kanyang pagkatao.
“Magbabayad sila sa ginawa nila.” Bulong niya sa sarili bilang banta ng paghihiganti sa maimbot na pangyayari. Ngunit isa itong huwad na katapangan. Alam niya na sa murang edad niya ay tanging mga ulol na hinagpis ang kaya niyang magawa. Isang singhot sa patulong uhog ang nagmulat sa kanya sa nagaganap. Tumingin siya sa paligid, hinanap ang liwanag, ngunit bulag na natambad sa kaniya ang pag-asa.
Bukambibig ng umagang iyon sa ikalima ng buwan ng Marso ang pagkakapatay sa kanyang ama ng isang buktot na alagad ng batas. Alam niyang hindi ito kriminal. At lalong hindi puganteng nagtatago sa kamay ng batas. Ang tanging kasalanan niyang tinuos ay ang pagtanggol sa kaibigan sa maling pagpapataw ng hustisya. Matapat at responsableng tao ang imahe ng ama sa kanyang pananaw kung kaya naman hindi maarok ng musmos niyang kamalayan ang naririnig na bulung-bulungan ng mga kapitbahay sa sinapit ng kanilang haligi ng tahanan. Kasabay ng nakakabibinging tilaok ng tandang ang tila ba pagtatwa sa kaniya ng kaligayahan ng araw na iyon. Isang senyales na nawala ang kanyang paniniwala sa mga taon ng pagtuturo sa kanya ng mga pari sa katolikong eskwelahan na kanyang pinapasukan.
Habang inuulos pababa ang kabaong pailalim sa madilim na hukay, marahan niyang hinihimas ang likuran ng kanyang mahal na ina sa paniwalang ito ang lunas sa nagdurugong paghahapis nito. O kung hindi man ay marahil naisip niyang ito ang tamang gawin dahil iyon din ang ginagawa ng mga nakatatandang nakapaligid sa kanila. Isang komedya ang pinipilit niyang makita sa bawat mukhang pinagbabalingan niya ng tingin. Sa isip niya, na sana ay isang malaking biro lamang ang lahat. Na kapag tapos na ang mga iyakan, ang mahabang pagbabasbas ng pari at ang mga usapan ay isasara na rin ang telon at maglalabasan na ang mga parte ng produksyon upang sabihing tapos na ang palabas.
Ngunit malayo ito sa kaharap niya sa mga sandaling iyon. Lahat iyon, parang totoo. May kung anong tumutusok ang nararamdaman niya na hindi niya maantas kung saan nagmumula. Sari saring emosyon ang naglipana at kanyang namamalas, hindi niya alam kung alin duon sa mga iyon ang kanyang huhugutin at nanamnamin bilang pakisama sa sitwasyon. Kung kaya naman minabuti niyang maging manhid. Inakala niyang sa pagiging manhid niya mahahantungan ang kaginahawahang dala ng panlulumong kinasasadlakan ngunit ng lumaon ay kinatakutan niyang ito ang dahilan ng pagiging sintigas ng bato ng kanyang puso.
Sandali niyang itinigil ang pagpaplano at paghihinuha. Bumalik siya realidad at nagdesisyong huwag nang sumama sa pakikipaglibing. Naisip niya, mas mabuting maalala niya ang ama habang buhay pa ito. Isa pa, hindi rin naman niya kailanman nagustuhan ang sumama sa paglilibing ng mga namatay. Isa ito sa mga takot sa kanyang sarili na kinamulatan simula pagkabata.
Mabilis na lumipas ang 4 na taon para sa kanya. Hinubog ang dati’y malusog na pangangatawan ng araw araw na pagtupad sa mga tungkulin kasabay ng pagaaral. Mag-isa silang itinaguyod ng kanyang ina na naging matiim sa kanyang pangakong isinama ang kanyang puso sa libingan ng ama. kakabit niyon ang mga pagbabago sa kanyang estado sa iba’t ibang perspektibo ng kanyang buhay. Unti-unting umandap ang dati’y maningning niyang kinang bilang estudyante. Lumayo ang talentong pinayabong ng masigasig na pagsubaybay sa kanya ng mga guro. Hindi man tukuyin ang dahilan kung bakit gayon ang kanyang kinahinatnan, alam ng malalapit sa kanya na ang ama ang isa sa mga nagsisilbing inspirasyon niya upang pagbutihin ang mga ito. Umusbong ang sali-saliwang kasawian sa kanya. Tuloy tuloy na nagbuhol hanggang sa hindi niya namalayang ginugupo na siya ng mga ito paibaba. Alam niyang hindi pa huli ang lahat, ngunit tila ba napagod na siyang isapalaran ang sarili sa pagkawala sa emosyong tumatagis sa kanya.
Natuto siyang umibig, isang natural ritwal ng pagpasok sa panibagong yugto ng kanyang kapalaran. Ngunit maging ang pagibig ay nakuha ring paglaruan ang kanyang prinsipyo sa pagtupad nito. Higit sa bawal, kundi sa maling pagkatao niya nahanap ang pagtanggap at pagarugang hinahanap. Nagmahal siya ng kanyang kapwa kauri, may buntot ngunit sa harapan. Marahil isang simbolo ito ng katapangan kung kaya’t naging matapang siya para suungin ang isang bawal na pagibig na hindi kailanman naging tama sa mata ng lipunan na kumupkop sa kanya. Sumilip ng bahagya ang kanyang mga ngipin sa tanghaling tapat. Kinasabikan niya ang mumunting kaligayahang sumisibasib sa kanyang kabuuan tuwing gaganapin ang mga nakaw na sandali sa kanilang dalawa.
Ngunit tulad ng mga dapit hapon sa bawat tag-araw, naghangga rin ang kanilang pagiibigan. Matapos italaga ang mga pangakong dala ng kapusukan, isa isang nagsinungaling ang mga katagang dati’y katatotohanan ang hangad. Mabilis niyang kinalimutan ang sampung taon nilang pagkakakilalanlan bilang magkaibigan upang sabihin sa sariling makakalimutan na niya ang nakaraan. Umihip sa hangin ang requiem ng pamamaalam. Alam niyang masakit, ngunit hindi na siya tinablan.
Mula noon ay nagpasalin salin siya sa mga relasyon, sa pagsawa sa mga relasyon siya nagkaroon ng panadaling kaginahawaan sa mga pasakit ng nakalipas. “Lintik lang ang walang ganti” aniya, isang baliw na tugon sa pagdaupang palad sa kanya ng tadhana. Sa bawat luhang hatid sa mga mata ng kanyang sininta, isang pinid na halakhak ang tila ba umuungot sa bawat eksena. Naging isa rin siyang propesyonal siyang manunubos ng mga sawing puso, tumatahi sa bawat nahiwang himaymay nito. Ngunit isa siyang baliw, kung kaya’t sa tuwing malapit na niyang matapos ang pagkumpuni ng mga ito, agad niyang winawasak at luluray lurayin ang mga piraso bago pa man sila makaapuhap ng lunas.
Sa isang gabi ng kasalanan niya nakita ang panibagong biktima ng kanyang kasabikang maghiganti, tigib ng kagalakan ang kanyang nararamdaman sa gabing iyon. Ito ang unang taong anibersaryo ng kanyang kasawian sa pagibig. Marapat lamang ang isang napakalupit na pagsasagawa ng kanyang nakagawian. Nakaplano na ang lahat, ang paghulog, pagsakal at ang pagkitil ng puso ng kanyang biktima. Itinakda niya ang isang pagsambulat na yayanig sa tadhana upang bawiin sa kanya ang ipinataw na kapalaran.
Ngunit nagkamali siya, higit na makapangyarihan at maalam ang tadhana. Ipinain sa kanya ang isang haing hinding hindi niya kayang sirain o wasakin man lang. Nang Makita ito ng kanyang mga mata, namalas niya ang mahikang dala ng dalisay na pagibig na dumadaloy kasabay ng musika. Ginapos nito ang kanyang puso sa pagiging aba. At tanging matamis na pagsuyo ang namutawi sa kanyang binitiwang salita para sa pagibig ng minamahal.
Unti-unti niyang binago ang kanyang buhay. nagbalik ang dating sigasig niya sa pagsagawa ng mga bagay na kailangan niyang makamit para sa kanyang pamilya. Naalala niya ang kanyang ina, na noong mga oras na iyon ay alipin na ng pera at pagpapagal para sa kanilang magkakapatid. Hinagkan niya ang kanyang responsibilidad bilang kahalili ng kanyang ama sa kanilang pamilya. Bumangon siya mula sa maputik na burak ng kapalaluang nagbaon sa kanya sa nakalipas na mga taon. Naaninag niya ang kislap ng pagasa. Naunawaan niya ang sandaling pagkabulag sa mga bagay na pilit niyang gustong makita limang taon ng nakararaan.
Nakapagtapos siya ng maluwalhati sa tulong na rin at inspirasyong dala ng kanyang iniibig. Napagbuklod nito ang kanyang pamilya. Naging kasangga ito ng kanyang ina sa pagpapaalala sa kanya ng kanyang mga prioridad sa buhay. Sa mga gawaing dapat niyang tupdin sa araw araw niyang pagharap sa buhay. Bumuo sila ng mga orihinal na mga ideyang nakalista sa mga pangarap nila ng magkasama. Wala halos mapagsidlan ang naguumapaw na kaligayahang bumubuhos sa kanya ng mga sandaling iyon. Sa bawat patak ng oras, at ng mga sandali, nagbabalik ang naramdaman niyang pagkakuntento sa mg nararanasan, ginugusto niya ang pakiramdam na ito ngunit hindi niya ninais maging kampante. May kung anong takot sa kanyang dibdib na nagsasabing nakababahala ang kasiyahang hatid ng kanyang sitwasyon. Higit sa lahat, alam niyang nagbabadya ito sa kanya ng isang hindi magandang kaganapan. Ganitong ganito rin ang parehong pakiramdam ilang araw bago nila sapitin ng kanyang ama ang di inaasahang paghatol dito. Hindi siya maaring magpakasiguro.
Isa-isang binigkis ng mSCENESORSHIP
ga butil ng ulan ang bubong ng kanyang sinasakyang bus. Ang ingay ng pagbuhos ng tubig ang lumunod sa kanyang kamalayan. Pinilit niyang takpan ang maliit na butas na humuhugos ng tubig paloob sa kanto ng bintana na dahilan upang umapaw ang ilalim ng kurbada nito. Sinikap niyang sapuhin ang pag agos upang ilihis ang patutunguhan ng dausdos. nagpanginig ng kaunti sa kanyang kalamnan mala yelong lamig ng tubig ulan.
Sa hangin, palihim niyang sinasambit ang pagbuhos nito sa kanyang pagod na puso.




I know that living in this world is really hard, sometimes it can be harsh to us. I admire you because you have overcome all of your trials and still brave enough to handle the coming ones. I think you are braver than me, for I am a coward and dumb to face mine. Thank you for giving inspiration.